Pumalag si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa sinabi ni Senator Ping Lacson na may mga ghost project at maanomalyang flood control infrastructure umano sa Taguig City.
Sa kanyang Facebook livestream, inakusahan ni Cayetano si Lacson ng demolition job, trial by publicity at witch hunt dahil sa mga paratang na iniuugnay sa kanya ang mga kuwestiyonableng proyekto sa lungsod.
Sinabi ni Cayetano na bilang isang public official, handa siyang humarap sa mga alegasyon, ngunit hindi aniya patas na iugnay sa kanya ang lahat ng proyekto at titulo ng mga lupang nasa Taguig, kabilang ang mga bahagi ng Laguna Lake na sinasabing na-reclaim at sakop ng lungsod.
Iginiit naman ng senador na taliwas sa mga ibinibintang sa kanya, isa o dalawang lugar na lamang sa Taguig ang nakararanas ng flash flood, na aniya ay may kaugnayan sa engineering problems ng ilang developers.
Nilinaw ni Cayetano na wala siyang galit kay Lacson at handa siyang sagutin ang mga alegasyon sa tamang forum.
Samantala, sinabi ni Lacson na naisumite na sa Ombudsman ang lahat ng ebidensiyang nakalap ng kanyang tanggapan kaugnay ng mga proyekto sa Taguig.











