Nagpiyansa si Senador Jinggoy Estrada ng halagang P90,000 sa Sandiganbayan nitong Biyernes upang makamit ang pansamantalang kalayaan kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kanya dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isyu ng flood control project.
Dumating si Estrada sa Sandiganbayan kasama ang kanyang mga anak na sina Janella at Julienne.
Nahaharap din ang senador sa hiwalay na kasong graft at plunder na dinidinig ng Fifth Division ng anti-graft court.
Nauna nang naghain si Estrada ng urgent motion upang bawiin ang pag-isyu ng warrant of arrest laban sa kanya. Iginiit ng kampo ng senador na hindi pa umano siya nabibigyan ng kopya ng mga resolusyon mula sa Ombudsman at Department of Justice na nagsisilbing batayan ng mga kasong isinampa laban sa kanya.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Noel Ostrea, inihain nila ang urgent motion sa Sandiganbayan Second at Fifth Divisions noong Martes ng umaga bago pa man umano maglabas ng warrant of arrest ang korte laban kay Estrada.
Sinabi rin ng abogado na bagama’t batid nilang hindi pangkaraniwan ang kanilang naging hakbang, umaasa silang mauunawaan ito ng mga mahistrado dahil hindi pa natatanggap ng kanilang kliyente ang mga resolusyong may kaugnayan sa mga isinampang kaso.











