--Ads--

Mariing itinanggi ni Senator Imee Marcos ang paratang na siya ang nasa likod ng umano’y bantang kudeta laban sa liderato ni Senate President Tito Sotto III.

Ayon sa senadora, hindi siya ang nagpasimuno ng planong balasahan sa Senado at iginiit na ang buong hanay ng minorya ang makakapagpatunay nito. Aniya, huli na siyang naabisuhan at nakisama lamang sa hakbang ng minorya na isulong ang pagpapalit ng pamunuan.

Paliwanag pa ni Sen. Marcos, nagsimula ang usapin hinggil sa posibleng pagpapalit ng Senate President dahil sa pangamba ng ilang senador na maaaring maapektuhan ang institusyon bunsod ng mga kasong at kontrobersiyang, ayon sa kanila, ay hindi naman dapat ipanagot sa mga mambabatas.

Dagdag ng senadora, hindi niya binibigyang-bigat ang mga diskurso at hindi pagkakaunawaan hangga’t may makatarungang dahilan ang mga ito. Kaya naman, lubos ang kanyang pasasalamat kay Sotto sa pagpapanatili sa kanya bilang Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations kahit wala siya sa hanay ng mayorya.

--Ads--

Matatandaang nauna nang sinabi ni Sotto na isa sa mga umano’y nagpasiklab ng tangkang coup d’etat laban sa kanyang pamumuno ay ang pagkakatanggal umano kay Sen. Imee bilang pinuno ng Senate Committee on Foreign Relations.