Maghahain si Senador Panfilo Lacson ng panukalang batas para sa mas mabigat na parusa laban sa mga taong nanghihikayat o pumipilit sa mga testigo na gumawa ng perjury o maling testimonya.
Ito ay kasunod ng pagbawi ni Orly Guteza sa mga nauna niyang alegasyon laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Lacson, kailangang palakasin ang parusa sa “subornation of perjury” o ang paghikayat sa ibang tao na magsinungaling sa ilalim ng panunumpa.
Iginiit niyang dapat mahigpit na ipatupad ang Republic Act No. 11594, na nagtaas sa parusa para sa perjury, kabilang ang pagkakakulong at multa.
Sinabi rin ni Lacson na hindi nangangahulugang awtomatikong humihina ang mga kasong kinasasangkutan ng mga dating testigo dahil lamang sa kanilang pagbawi ng mga pahayag.









