--Ads--

Nanawagan si Senator Panfilo Lacson ng masusing imbestigasyon na nakabatay sa ebidensya at walang panghihimasok sa mga flood control project, kasunod ng ulat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na sinubukan umanong hadlangan ng Taguig City Hall ang kanilang pagsisiyasat.

Ayon kay Lacson, kailangang maging planado, sistematiko at masinsinan ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects at iba pang komplikadong kaso ng korapsyon.

Samantala, sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano na kaya niyang sagutin ang mga paratang ni Lacson ngunit mas nais niyang ituon ang kanyang oras sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na ang mga biktima ng pagbaha.

Nauna nang sinabi ni Remulla na sinubukan umanong pigilan ng isang empleyado ng Taguig City Government ang mga imbestigador ng Ombudsman sa paggamit ng drone para makakuha ng mga larawan sa lugar.

--Ads--

Gayunman, nilinaw ng Taguig LGU na hindi nito hinadlangan ang imbestigasyon at sinabi na nagsasagawa lamang ng tungkulin ang kanilang Public Order and Safety Office nang mamataan ang mga tauhan ng Ombudsman na nagsasagawa ng drone operation sa C-6 Road.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ngunit nauwi ito sa pagkakasundo sa police station at walang isinampang reklamo.