--Ads--

Itinanggi ni Senator-Judge Robin Padilla na nakatanggap siya ng kahit isang sentimo mula sa China o sa mga Chinese entities, kasunod ng pagbanggit sa Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa ika-34 na araw ng impeachment trial nitong Martes, hiniling ni Padilla na huwag nang idamay ang naturang grupo sa isyu matapos itong iugnay ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa umano’y pagtanggap ng P150 milyon mula sa China.

Ayon kay Padilla, bahagi siya ng Tapang at Malasakit Alliance at wala siyang personal na natanggap na pera mula sa mga Chinese.

Nauna nang sinabi ni Trillanes na nakatanggap umano ng P319 milyon ang Cale88 Foods Corporation at P150 milyon naman ang Tapang at Malasakit Alliance mula sa Chinese government at mga Chinese firms.

--Ads--

Inilunsad ang Tapang at Malasakit Alliance noong 2017 sa pangunguna noon ni Duterte bilang alkalde ng Davao City bilang suporta sa administrasyon ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.