Tiniyak ni Senate President Tito Sotto na magiging ganap ang kahandaan ng Senado sa oras na simulan nito ang impeachment trial bilang impeachment court.
Ayon kay Sotto, kasalukuyan nang pinaghahandaan ang lahat ng kinakailangang aspeto, kabilang ang venue, pagkain, seguridad, at iba pang logistical requirements.
Dagdag pa niya, si Senator Ping Lacson, bilang Chairman ng Committee on Accounts, ang mangangasiwa upang matiyak na maayos ang lahat ng paghahanda.
Ipinahayag din ni Sotto na magiging bukas sa publiko ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Samantala, pinag-aaralan pa ang pagtatalaga ng isang tagapagsalita para sa impeachment court, ngunit nilinaw na hindi ito magmumula sa hanay ng mga senador dahil magiging abala na sila sa proseso ng paglilitis.











