Kukuha ang Senado ng mga legal expert upang magbigay-linaw sa voting threshold na gagamitin sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, mag-iimbita ang impeachment court ng mga amici curiae o “friends of the court,” kabilang ang mga retiradong mahistrado at eksperto sa constitutional law, upang magbigay ng opinyon sa usapin.
Naging isyu ito matapos kuwestiyunin ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung ang kinakailangang boto para sa conviction ay ibabatay sa kabuuang 24 senador o sa bilang lamang ng mga dumadalo sa paglilitis.
Target isagawa ang pagdinig sa mga legal expert sa Setyembre 16, habang nakatakda naman ang oral arguments ng prosekusyon at depensa sa Setyembre 23.
Layunin ng hakbang na matiyak na naaayon sa Konstitusyon at patas ang magiging batayan ng botohan sa impeachment trial.










