--Ads--

Pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na layong tiyakin ang sapat na pondo para sa rehabilitasyon at muling pagbangon ng mga lugar sa Mindanao na napinsala ng 7.8-magnitude na lindol noong Hunyo 8.

Sa special session, inaprubahan ang Senate Resolution 447 na inihain ni Senate Deputy Majority Leader Joel Villanueva. Nanawagan ito sa pambansang pamahalaan na agad maglaan ng sapat na pondo at resources para mapabilis ang relief, recovery, at reconstruction sa mga apektadong komunidad.

Sa resolusyon, inaatasan ang gobyerno na siguruhin ang pondo para sa pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura tulad ng mga paaralan, ospital, tulay, at kabahayan, gayundin ang pagbangon ng kabuhayan ng mga residente, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyo.

Ayon kay Villanueva, tinatayang aabot na sa ₱1.13 bilyon ang pinsala sa mga pampubliko at pribadong imprastraktura, at posibleng tumaas pa ang halaga habang nagpapatuloy ang assessment.

--Ads--

Sinuportahan at nag-co-sponsor din sa resolusyon sina Senators JV Ejercito, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, at Raffy Tulfo.

Kinilala rin ng Senado ang mabilis na pagtugon ng mga frontliner tulad ng rescue teams, medical workers, uniformed personnel, volunteers, humanitarian groups, at mga lokal na pamahalaan.

Idineklara naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na co-sponsor ng resolusyon ang lahat ng mga senador.