--Ads--

Nagpahayag ng pagkabahala si Sen. Sherwin Gatchalian kaugnay sa mabagal na pag-update ng listahan ng mga public utility vehicle (PUV) drivers na benepisyaryo ng cash aid mula sa pamahalaan.

Ayon sa senador, “Marami sa ating mga kababayan ang nalungkot dahil ang kanilang pangalan ay wala sa listahan o kaya ay hindi pa ito updated,” partikular sa talaan na hawak ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na isa sa mga dahilan ng pagkaantala ay ang kakulangan sa maayos at centralized na database ng mga driver, kaya’t umaasa pa rin ang sistema sa manu-manong pagsusumite ng listahan mula sa mga operator at lokal na pamahalaan. Dahil dito, nagkakaroon umano ng problema sa pag-verify ng mga pangalan at impormasyon ng mga benepisyaryo.

Sa hiwalay na paliwanag ng Department of Social Welfare and Development, ang listahan ng mga makatatanggap ng ayuda ay nagmumula sa LTFRB at iba pang sektor tulad ng mga transport group at LGUs. Inamin din na maaaring magkaroon ng errors sa encoding o duplication ng datos na nagiging sanhi ng pagkakaalis o pagkakadoble ng ilang pangalan.

--Ads--

Samantala, batay sa pinakahuling datos, malaking bahagi pa ng target na benepisyaryo ang hindi pa nakatatanggap ng tulong pinansyal. Mula sa mahigit 1.4 milyong target na recipients, nasa mahigit 200,000 pa lamang ang nabibigyan ng ayuda, o katumbas ng mababang porsyento ng implementasyon.

Dahil dito, nanawagan si Gatchalian sa DOTr at LTFRB na agad ayusin at i-update ang listahan upang mapabilis ang distribusyon ng ayuda at matiyak na ang mga karapat-dapat na tsuper ang makikinabang sa programa, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.