--Ads--

Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang senior citizen upang ipaabot ang kanyang hinaing kaugnay ng umano’y matagal na hindi pagtanggap ng social pension mula sa pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Valeriano Tuy Ortua Sr. sinabi nitong siyam na taon na siyang senior citizen ngunit kamakailan lamang siya nakatanggap ng social pension, samantalang ang ilan niyang kasabayan ay matagal nang nakatatanggap ng naturang benepisyo.

Aniya, may mga pagkakataon ding sinasabihan umano sila ng kanilang coordinator na magbigay ng tig-P300 upang maisama sa listahan ng mga makatatanggap ng pension, subalit kahit nakapagbigay na umano sila ay hindi pa rin sila naisama sa talaan ng mga benepisyaryo.

Dahil dito, umaasa si Ginoong Ortua na mabigyang-linaw kung bakit hindi niya natanggap ang benepisyo mula pa noong 2017. Aniya, malaking tulong sana ang naturang pondo lalo na sa kanilang mag-asawa dahil hirap na silang kumita at nangangailangan ng pambili ng gamot, lalo pa at person with disability (PWD) ang kanyang asawa.

--Ads--

Idinagdag pa niya na may iba rin umanong senior citizen sa kanilang lugar na nakararanas ng kaparehong suliranin.

Samantala, nilinaw naman ni Regional Director Lucia Alan, ng DSWD Region 2, na kasalukuyang ipinamamahagi na ng kanilang ahensya ang social pension para sa ikalawang quarter ng taon.

Ayon sa kanya, may opisyal na listahan ang DSWD ng mga aktibong social pensioners at ito ang ginagamit ng mga lokal na pamahalaan sa paggawa ng payroll at payout ng mga benepisyo.

Ipinaliwanag ni RD Alan na hindi lahat ng senior citizen na umabot sa edad na 60 ay otomatikong nagiging benepisyaryo ng social pension program. Aniya, ang pagpili ng mga benepisyaryo ay nakabatay sa mga kwalipikasyon ng programa at sa listahang nagmumula sa Community-Based Monitoring System o CBMS na pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan.

Dagdag pa niya, kung may senior citizen na hindi nakadalo sa itinakdang payout dahil sa karamdaman o iba pang dahilan, maaari itong maisama sa rescheduled payout na isinasagawa sa pakikipagtulungan ng LGU. Sa mga bedridden, mahina na o hindi na kayang pumunta sa payout venue, nagsasagawa naman ng house-to-house distribution ang DSWD at LGU upang maihatid ang kanilang benepisyo.

Nilinaw rin ng opisyal na walang umiiral na retroactive payment sa ilalim ng social pension program. Ibig sabihin, kung kailan lamang naisama ang isang senior citizen sa listahan ng mga benepisyaryo ay doon lamang magsisimula ang kanyang pagtanggap ng pension. Aniya, hindi na maaaring ibigay ang mga benepisyo para sa mga nakalipas na taon kung kailan hindi pa siya kabilang sa programa dahil nakabatay ang implementasyon nito sa taunang budget na inilaan ng pamahalaan.

Ayon sa DSWD, nasa mahigit 243,800 senior citizens sa Region 2 ang kasalukuyang benepisyaryo ng social pension program na may katumbas na mahigit P2.9 bilyong pondo.

Nanawagan naman ang director sa mga senior citizen at kanilang mga pamilya na makipag-ugnayan sa kanilang LGU o Office of Senior Citizens Affairs kung may katanungan sa kanilang status bilang benepisyaryo at hintayin ang opisyal na abiso hinggil sa iskedyul ng payout.