--Ads--

Humihiling ngayon ng karagdagang P5 bilyong pondo ang transport sector para sa pagpapatuloy at pagpapalawak ng service contracting program ng pamahalaan para sa mga public utility vehicles o PUVs.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim ang Convenor ng National Public Tranport Coalition, sinabi nito na maayos namang tumatakbo sa ngayon ang programa ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)  lalo na sa hanay ng mga modernized public utility vehicles.

Gayunman, sinabi nito na may ilang operators ang nahaharap ngayon sa show cause order matapos umanong hindi sumunod sa mga kondisyon ng service contracting program.

Ayon kay Lim, kabilang sa mga obligasyon ng mga operators ang pagpapatupad ng 20% discount para sa mga estudyante, senior citizens at persons with disabilities (PWDs) gayundin ang pagtakbo ng kanilang mga unit ng hindi bababa sa 100 kilometro kada araw.

--Ads--

Aniya, may mga tauhan umano ng LTFRB na palihim na sumasakay sa mga pampasaherong sasakyan upang i-monitor kung ipinatutupad ang mga itinakdang diskwento at kung nasusunod ang required na biyahe kada araw.

Sinabi pa nito na may mga operators na nabigong magbigay ng tamang diskwento sa mga pasahero dahilan upang mapatawan ng show cause order at isailalim sa imbestigasyon.

Ipinaliwanag din ni Lim na binabayaran ng gobyerno sa pamamagitan ng tseke ang mga operators na kabilang sa service contracting program kaya mahalagang masunod nila ang lahat ng kondisyon bago nila matanggap ang kanilang bayad.

Dahil dito, humihiling umano sina DOTr Secretary Giovanni Lopez at LTFRB Chairperson Vigor Mendoza ng karagdagang P5-bilyong budget upang mas marami pang PUV at SUV operators ang maisama sa programa.

Ayon kay Lim, malaking tulong ang service contracting program sa mga operators at drivers lalo na sa gitna ng pabago-bagong presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi rin nito na malaking ginhawa para sa mga jeepney drivers ang ipinatutupad na rollback sa presyo ng diesel habang mas ramdam naman umano ng mga tricycle at taxi drivers ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan na magbigay ng sustainable na ayuda para sa mga sektor ng transportasyon na direktang naaapektuhan ng oil price hike.