Ipinabatid ng Land Transportation Office (LTO) na sinimulan na nitong ipatupad ang Department of Transportation (DOTr) Memorandum Circular No. 001-2026 na nagbabawal sa pagkukumpiska ng driver’s license ng mga motorista habang isinasagawa ang apprehension.
Ayon sa LTO, alinsunod sa bagong polisiya, pansamantalang hindi na kukunin ng mga deputized law enforcement officers ng ahensya ang lisensya ng mga mahuhuling lumalabag sa mga batas-trapiko.
Binigyang-diin din ng ahensya na batay sa umiiral na mga desisyon ng Korte Suprema, walang pangkalahatang kapangyarihan ang mga traffic enforcer na kumpiskahin ang driver’s license ng mga motorista.
Dagdag pa rito, kinikilala rin ng mga umiiral na kautusan ng DOTr at DILG, kabilang ang Joint Memorandum Circular No. 01, Series of 2008, na maaaring mag-isyu ng citation ticket ang mga traffic enforcer ng mga lokal na pamahalaan ngunit wala silang legal na awtoridad upang kumpiskahin ang lisensya.
Hinimok naman ng LTO ang mga LGU, traffic enforcement agencies, at mga motorista na patuloy na sumunod sa mga umiiral na regulasyon upang mapanatili ang maayos at patas na pagpapatupad ng batas-trapiko sa bansa.











