--Ads--

Sugatan ang isang service crew na driver ng single motorcycle matapos bumangga sa kasalubong na pampasaherong bus sa kahabaan ng National Highway, Brgy. San Fermin, Cauayan City kaninang umaga, Mayo 16.

Batay sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Cauayan City Police Station, ang pampasaherong bus na isang Hyundai truck na kulay pink ay minamaneho ni Zaldyvar Dumog, 34-anyos, residente ng Brgy. Manag, Conner, Apayao.

Samantala, ang tsuper ng single motorcycle na Yamaha Mio ay si Aaron Curammeng, 24-anyos, service crew at residente ng Brgy. Baringin Sur, Cauayan City, Isabela.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksyon—patungong hilaga ang bus na papuntang Tuguegarao City, habang patungong timog naman ang motorsiklo papuntang Alicia, Isabela.

Bago ang insidente, napansin umanong nagwe-wegang o hindi maayos ang takbo ng motorsiklo hanggang sa napunta ito sa linya ng kasalubong na bus, na naging sanhi ng banggaan. Dahil dito, pumailalim ang motorsiklo at ang rider sa ilalim ng bus.

--Ads--

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng motorsiklo at agad na isinugod sa isang pribadong pagamutan ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922.

Wala namang nasaktan sa mga sakay ng bus, habang parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan.

Dinala rin ang mga ito sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang disposisyon.