Target ni Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle na mapanatili ang yellow jersey habang determinado si Mervin Corpuz ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines na makahabol sa Individual General Classification ng MPTC Tour of Luzon 2026.
Aarangkada ngayong umaga ang Stage Eight na may layong 148.4 kilometro mula Pagudpud hanggang Paoay, Ilocos Norte.
Nanatiling lider si Shulchenko matapos magwagi sa Stage Seven Individual Time Trial. Kasunod niya sina teammate Yousef Ibrahiem Alrefai na may 1:38 agwat at Corpuz na nahuhuli ng 4:15.
Samantala, nangako si Corpuz na ibibigay ang kanyang buong makakaya upang makahabol sa liderato.
Patuloy namang namamayani ang Go for Gold sa Team General Classification kasunod ang Standard Insurance Philippines, 7-Eleven Cliqq, at National Team Malaysia.






