Timbog ang isang street level individual (SLI) na tulak ng ilegal na droga matapos maaresto sa buy-bust operation sa City of Ilagan, Isabela nitong madaling-araw ng Mayo 28, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas “Marlon,” 34-anyos, binata, massage therapist, tubong Cabanatuan City, Nueva Ecija at pansamantalang nakatira sa Brgy. Imelda Bliss Village, Ilagan City.
Ayon sa pulisya, nadakip ang suspek bandang 12:12 ng madaling-araw sa Brgy. Alibagu matapos nitong bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang poseur-buyer kapalit ng marked money.
Nakuha mula sa kanya ang tinatayang 5 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, at isang motorsiklong walang plaka na ginamit umano sa operasyon.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











