
CAUAYAN CITY – Maaaring sa unang linggo ng Setyembre 2020 ay ibibigay na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 ang social pension ng mga senior citizen para sa ikalawang semestre.
Puntiryang mapagkalooban ng social pension ang 218,659 beneficiaries na pinondohan ng pambansang pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Fernando Bainto, focal person ng social pension program ng DSWD region 2 na inihahanda na nila ang pamamahagi ng social pension para sa ikalawang semestre maging ang mga benepisaryo na hindi napasama sa mga semestre noong 2019.
Sa tulong ng mga Local Government Units (LGU’s) ay nagsagawa sila ng tracing sa mga benepisaryong maaaring napasama noong 2019 hanggang sa ikalawang semestre ng 2020.
Sinabi pa ni Ginoong Bainto na ang mga dumaan sa validation ng DSWD region 2 na sumailalim sa cross matching at eligibility testing ang mabibigyan na ng pension.
Ginawa nila ang hakbang na ito dahil sa ilang reklamo ng mga senior citizen na hindi nakakatanggap ng social pension samantalang may ilan umanong nakatanggap na pensioner na ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) at ilang may-kaya sa buhay.
Sinabi pa ni ni Ginoong Bainto na nag-payout na sila sa unang semestre ngunit may ilan pa ring hindi nakatanggap ng social pension dahil sa lockdown noong ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sinabi pa ni Ginoong Bainto na nagsagawa ang pamahalaan ng paglilinis sa mga listahan ng mga benepisaryo at inabisuhan na ang mga natanggal ang pangalan.
Nilinaw pa niya na ang mga natanggal ang pangalan noong 2019 na dumaan sa validation at napatunayang karapat-dapat na tumanggap ay retroactive ang ibibigay na social pension.










