--Ads--

Labis ang kagalakan at pagmamalaki ng coach ng soft tennis team ng Cauayan City matapos makasungkit ng iba’t ibang medalya ang kanilang mga manlalaro sa Palarong Pambansa 2026 kabilang na ang mga gintong medalya sa iba’t ibang event.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coach Analyn Antonio, sinabi nito na malaking karangalan para sa lungsod ang unang pagkakataong makapag-uwi ng gold medal sa soft tennis sa prestihiyosong kompetisyon.

Ayon kay Coach Antonio, bagama’t baguhan lamang umano ang kanilang mga manlalaro sa larangan ng soft tennis ay ipinakita pa rin ng mga ito ang kanilang husay at determinasyon laban sa mas bihasang mga kalaban kabilang na ang mga medalista noon sa Batang Pinoy.

Kwento pa ng coach, hindi niya sinabi sa mga atleta na medalista ang kanilang mga katunggali upang hindi maapektuhan ang kumpiyansa ng mga ito sa kanilang kakayahan.

--Ads--

Binubuo lamang ng dalawang babae at dalawang lalaki ang koponan ng Cauayan City subalit nakapagtala pa rin ang mga ito ng kahanga-hangang performance sa kompetisyon.

Sa kabuuan ay nakapag-uwi ang koponan ng limang gold medal, dalawang silver medal at limang bronze medal.

Sa singles boys category ay nasungkit ni Ivan Burke Pastor ang gold medal habang silver medal naman ang nakuha ng kanyang kapatid na si John Carlo Pastor.

Nagkampeon din ang magkapatid sa doubles boys event.

Sa girls category naman ay silver medal ang nakuha ni Michelle Ann Asas sa singles habang bronze medal si Tiffany Nang.

Nagkamit din ng bronze medal sina Michelle Ann Asas at Tiffany Nang sa doubles girls event.

Sa mixed doubles naman ay gold medal ang naiuwi nina Ivan Burke Pastor at Michelle Ann Asas habang bronze medal naman kina John Carlo Pastor at Tiffany Nang.

Ibinahagi rin ni Coach Antonio na orihinal na tennis players umano ang karamihan sa kanilang mga atleta at isinabay lamang nila ang pagsasanay sa soft tennis matapos makatanggap ng imbitasyon mula sa Soft Tennis Philippines noong Abril.

Ayon pa sa kanya, isa sa pinakamalaking hamon na kanilang naranasan ay nang maiwan ng eroplano ang kanilang koponan sa airport bago ang kompetisyon ngunit sa tulong ng mga personnel doon ay na-rebook sila at nakarating pa rin sa palaro.

Nagpasalamat naman si Coach Antonio sa mga opisyal ng Department of Education at pamahalaang lungsod ng Cauayan kabilang sina Schools Division Superintendent at mga lokal na opisyal sa pagsuporta sa kanilang koponan.

Umaasa rin siyang mabibigyan ng incentives ang mga atleta bilang pagkilala sa kanilang ipinakitang husay at karangalang naiuwi para sa lungsod.