Mas pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Agusan del Sur ang paghahanda nito para sa Health and Emergency Response bilang bahagi ng Palarong Pambansa 2026 na gaganapin sa lalawigan ngayong Mayo.
Sa pangunguna ni Dr. Jacqueline Frances F. Momville, Chairperson ng Health and Emergency Response Committee at Provincial Health Officer ng Agusan del Sur, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na nakahanda ang lahat ng medical at emergency response teams upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng libu-libong atleta, coaches, opisyal, at mga delegado mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kabilang sa mga paghahanda ang paglalagay ng medical stations sa iba’t ibang playing venues at billeting quarters, deployment ng mga ambulansya at medical personnel, pati na rin ang pagpapatupad ng mahigpit na heat at hydration protocols upang maiwasan ang heat-related illnesses sa mga atleta. Ayon sa mga ulat, aktibo ring isinagawa ang mga disaster preparedness simulations tulad ng earthquake drills, fire drills, at evacuation exercises bilang bahagi ng masusing paghahanda ng lalawigan para sa pambansang palaro.
Sa isinagawang Final Technical Conference para sa Palarong Pambansa 2026, opisyal ding kinilala si Dra. Momville bilang Chairperson ng Health and Emergency Response Committee, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa koordinasyon ng serbisyong medikal at emergency operations.
Ayon kay Dr. Momville, mahalagang mapanatili ang kahandaan ng health sector upang masiguro na magiging ligtas, maayos, at matagumpay ang kauna-unahang pagho-host ng Agusan del Sur sa Palarong Pambansa 2026.
Samantala, sinabi rin ng Department of Education at ng Provincial Government of Agusan del Sur na halos kumpleto na ang preparasyon para sa nasabing pambansang sporting event, kabilang ang seguridad, mga pasilidad, at emergency response mechanisms.
Ang ika-66 na Palarong Pambansa 2026 ay inaasahang dadaluhan ng mahigit 20,000 kalahok at delegado mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, at nakatakdang buksan sa Mayo 24, 2026 sa Prosperidad.











