--Ads--

Nagwagi ng gintong medalya sa swimming competition ng 2026 Palarong Pambansa ang swimmer na si Mark Justine Africano mula Cauayan City, Isabela matapos dominahin ang main event na 50-meter freestyle.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni Africano na hindi niya inaasahang maiuuwi ang gintong medalya dahil alam niyang mahuhusay at puspusan ding naghanda ang kanyang mga nakatunggali mula sa iba’t ibang rehiyon.

Ayon sa atleta, lalo siyang na-excite sa kompetisyon dahil isa sa kanyang nakalaban ay matagal na niyang iniidolo sa swimming.

Ibinahagi rin ni Africano na ikalawang beses pa lamang niyang sumabak sa Palarong Pambansa matapos unang lumahok noong 2024 edition sa Cebu.

--Ads--

Bukod sa Palaro, nakasali na rin umano siya sa ilang international competitions kabilang ang Asian Open Schools Invitational (AOSI) sa Thailand, bagay na nakatulong upang mas matutunan niyang i-handle ang pressure sa malalaking kompetisyon.

Ayon kay Africano, bagama’t marami na siyang nasalihang kompetisyon, nananatili pa rin ang kaba sa tuwing sasabak siya sa mga paligsahan dahil batid niyang pawang mahuhusay din ang kanyang mga kalaban.

Dagdag pa niya, nagsimula siyang matutong lumangoy noong Grade 4 at mula noon ay dito na niya ibinuhos ang kanyang panahon at pagsasanay hanggang makarating sa elite level ng swimming.

Malaki rin umano ang naging papel ng kanyang pamilya, coaches at teammates sa kanyang tagumpay dahil walang sawang sumusuporta at gumagabay ang mga ito sa kanyang training at bawat kompetisyon.

Matapos ang Palarong Pambansa, target naman ng batang swimmer na makasali sa ASEAN School Games na nakatakdang idaos sa Indonesia ngayong Nobyembre.

Nagbigay rin siya ng mensahe sa kapwa atleta na huwag sumuko kahit dumaranas ng kabiguan o hirap sa kanilang larangan.