Iminungkahi ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang agarang pagsuspinde sa contractor at operator ng Tumana at Iwahig Pumping Stations sa kanilang lungsod matapos mahuli na hindi umano pinapagana sa gitna ng matinding pagbaha dahil sa walang tigil na ulan.
Ayon kay Quimbo, agad itong nag-inspeksyon sa mga nabanggit na pasilidad dahil sa reklamo ng mga residente na hindi gumagana ang mga nabanggit na pumping stations kahit tumataas na ang baha sa mga kalsada.
Huling huli umano ng mambabatas na hindi gumagana ang mga nabanggit na pumping stations at wala itong nadatnang tauhan ng J.D. Legaspi Construction, ang contractor at operators, nang personal itong mag-inspeksyon.
Sinabi ng mambabatas na laging nakikipag-ugnayan ito sa nabanggit na contractor at operator ng nasabing pasilidad para tiyak na gumagana ang pumping stations kapag umuulan.
Itinayo aniya ang Iwahig at Tumana pumping stations para mabawasan ang pagbaha subalit labis ang pagkadismaya ang mambabatas dahil wala itong nadatnang tao nang mag-inspeksyon ito at hindi gumagana ang pasilidad kahit malakas na ang pag-ulan.
Dahil dito, giniit ng mambabatas kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na agad magsawa ng imbestigasyon at suspendehin ang J.D. Legaspi Construction bilang operator and contractor.






