--Ads--

Hindi tinanggap ni Rovelyn Baterbonia, ina ng nasawing basketbolistang si Rene Baterbonia, ang paghingi ng paumanhin ni Ateneo de Manila University men’s basketball head coach na si Tab Baldwin kaugnay ng sinasabing aksidenteng ikinasawi ng kanyang anak.

Sa isang pahayag sa social media, sinabi ni Rovelyn na hindi sapat ang paghingi ng tawad upang maibsan ang sakit at pagkawala ng kanilang pamilya. Aniya, higit nilang nais na malaman ang buong katotohanan sa likod ng nangyari kay Rene.

Giit pa ng ina ng biktima, hindi siya kumbinsido na simpleng aksidente lamang ang naganap. Kung tunay na aksidente umano ito, dapat ay agad silang nabigyan ng malinaw at kumpletong impormasyon tungkol sa insidente.

Ipinahayag din nito ang pagkadismaya dahil umano’y nauna pang ipaalam sa publiko sa pamamagitan ng social media ang pagkamatay ng kanyang anak bago sila mabigyan ng sapat na detalye ng mga kinauukulan. Aniya, wala rin umanong naipakitang anumang larawan o ebidensya na makatutulong upang maunawaan nila ang tunay na pangyayari.

--Ads--

Magugunitang nasawi sina Rene Baterbonia at Divine Adili matapos ang isang insidente sa karagatang bahagi ng Aurora noong Lunes ng umaga. Kasunod nito, naglabas ng pahayag si Coach Tab Baldwin kung saan inamin niyang isang aksidente ang nangyari at humingi siya ng paumanhin sa mga pamilya ng mga nasawi.

Patuloy namang nananawagan ang pamilya ni Rene para sa mas malinaw na paliwanag at masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong mga pangyayari na humantong sa pagkasawi ng kanilang anak.