Inihayag ni Atty. Israelito Torreon, abogado ng pamilya ng yumaong Ateneo student-athlete na si Rene Baterbonia, na hindi siya pinayagang makapasok sa huling gabi ng burol ng binata sa Ateneo de Davao University.
Sa isang Facebook post nitong Lunes, sinabi ni Torreon na nais sana niyang dumalo sa wake upang personal na beripikahin ang mga ulat hinggil sa umano’y maagang senyales ng pagkabulok ng labi ni Baterbonia.
Ayon sa kanya, kasama niya ang ilang kaanak at kaibigan nang magtungo sa burol, ngunit pinaghintay sila ng halos isang oras at hindi pa rin pinapasok sa loob ng venue.
Ikinuwento rin niya na sinabi umano ng security guard na may utos mula sa isang opisyal ng Ateneo de Davao na huwag silang papasukin.
Ipinahayag ni Torreon ang pagkadismaya sa insidente, lalo’t aniya ay maraming ibang tao ang nakapasok sa lugar ng burol.
Si Baterbonia ay isa sa dalawang Ateneo basketball player na nasawi matapos malunod sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8 habang nasa isang team-building activity.










