Humarap si dating Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Lunes, Hunyo 29, para sa isang clarificatory hearing kaugnay ng kanyang pahintulot na magtrabaho sa Pilipinas.
Dumalo rin sa pagdinig ang dalawa niyang legal counsel. Pinangunahan ito ni Labor Secretary Francis Tolentino bilang bahagi ng pagsusuri sa Alien Employment Permit (AEP) ni Baldwin.
Inamin ni Baldwin na wala siyang Alien Employment Permit (AEP) habang nagtatrabaho sa Pilipinas at tanging Alien Certificate of Residency (ACR) lamang ang hawak niya mula pa noong 2016.
Ayon kay Baldwin, pinayuhan siya ng isang abogado na hindi na kailangan ang AEP dahil sapat na ang kanyang residency certificate. Dahil dito, ipapatawag ng DOLE ang naturang abogado at mga opisyal ng Ateneo upang alamin kung may nalabag sa Labor Code.
Iginiit naman ng legal counsel ni Baldwin na exempted siya sa AEP dahil sa kanyang permanent resident visa, ngunit sinabi ng DOLE na kinakailangan pa rin niyang mag-apply para sa exemption.
Matatandaang nauna nang inirekomenda ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban kay Baldwin at 10 iba pang miyembro ng coaching staff dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Hazing Act.
Ang rekomendasyon ay kaugnay ng insidente noong Hunyo 8, kung saan nasawi sa pagkalunod ang dalawang Ateneo players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.










