Tinanggihan ng mga tagausig sa South Korea ang hiling ng pulisya na maglabas ng arrest warrant laban kay HYBE chairman at founder Bang Si Hyuk na inaakusahan ng unfair stock trading, dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.
Ayon sa ulat ng Yonhap News Agency, sinabi ng Seoul Southern District Prosecutors’ Office nitong Biyernes na ibinalik nila ang kahilingan ng pulisya at humiling ng karagdagang imbestigasyon.
Noong Martes, inanunsyo ng Seoul Metropolitan Police Agency na naghain sila ng arrest warrant laban kay Bang dahil sa umano’y paglabag sa Capital Markets Act (fraudulent unfair trading). Inakusahan si Bang na noong 2019 ay niligaw ang mga investors upang ibenta ang kanilang shares bago ang initial public offering (IPO) ng HYBE, na nagbigay umano sa kanya ng kita na humigit-kumulang 260 bilyong won (₱10.7 bilyon).
Sa ilalim ng batas, ang mga paglabag na may kita na higit sa 5 bilyong won ay maaaring parusahan ng habambuhay na pagkakakulong o hindi bababa sa limang taon sa bilangguan.
Mariing itinanggi ni Bang ang mga paratang, iginiit na ang mga investors mismo ang nag-request ng pagbebenta at sila rin ang nagmungkahi ng profit-sharing arrangement. Sa naunang pahayag ng kanyang abogado, sinabi nilang “regrettable” ang paghingi ng arrest warrant kahit nakipagtulungan si Bang sa imbestigasyon.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos makatanggap ng tip-off ang pulisya noong huling bahagi ng 2024, na nagresulta sa pagsalakay sa Korea Exchange at HYBE headquarters noong 2025. Sa ngayon, ipinagbawal na si Bang na makalabas ng South Korea, ngunit kamakailan ay humiling ang U.S. Embassy sa Seoul na payagan siyang bumiyahe sa Amerika para sa mga aktibidad kaugnay ng world tour ng BTS.





