Nasungkit ng Spain ang kampeonato sa 2026 FIFA World Cup matapos talunin ang Argentina, 1-0, sa isang maigting na final na umabot sa extra time sa New York New Jersey Stadium.
Naging bayani para sa La Roja si Ferran Torres nang maitala niya ang nag-iisang goal ng laban sa ika-106 na minuto.
Nanatiling tabla sa 0-0 ang magkabilang koponan sa loob ng regular na oras sa kabila ng ilang pagkakataong nalikha ng Spain. Mas naging mahirap ang sitwasyon para sa Argentina nang ma-red card si Enzo Fernandez sa ika-90+3 minuto.
Sinamantala ng Spain ang kalamangan sa Argentina na may 10-man team na lamang sa extra time at kalaunan ay nahanap ang pambutas sa matatag na depensa ng Albiceleste.
Bago ang panalong goal, nagpakita ng matinding depensa ang Argentina sa pangunguna nina Emiliano Martinez at Nicolas Otamendi, ngunit hindi nila napigilan ang huling atake ng Spain.
Sa kabila naman ng walong goal at apat na assist ng team captain ng Argentina na si Lionel Messi sa torneo, nabigo sila na maipagtanggol ang kanilang korona laban sa disiplinado at organisadong koponan ng Spain.
Sa pagtatapos ng laban, matagumpay na naiangat ng Spain ang pinakamataas na tropeo sa international football at itinanghal bilang kampeon ng 2026 FIFA World Cup.











