--Ads--

Naniniwala ang isang sports analyst na taglay ng Spain ang tactical advantage kontra Argentina sa nalalapit na FIFA World Cup Final na gaganapin alas-3:00 ng madaling araw, bukas, Hulyo 20, bagama’t nananatiling malaking bentahe ng defending champion Argentina ang karanasan ng mga manlalaro nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay sports analyst Jeremy Ellana, sinabi nitong nakikita niyang mas lamang ang Spain sa usapin ng mabilis na passing, mataas na ball possession at high pressing na maaaring magbigay ng kalamangan laban sa compact defense ng Argentina.

Ayon kay Ellana, inaasahang manggagaling sa magkabilang pakpak o wings ang pangunahing opensiba ng Spain sa pangunguna ng batang bituin na si Lamine Yamal, na kilala sa kanyang bilis at husay sa paglikha ng scoring opportunities.

Gayunman, sinabi nitong hindi dapat maliitin ang Argentina dahil bukod sa pagiging defending world champion ay taglay nito ang karanasan ng mga beteranong manlalaro sa pangunguna ni Lionel Messi.

--Ads--

Aniya, bagama’t may kalamangan si Yamal sa stamina dahil sa murang edad, nananatiling lamang si Messi sa karanasan at kakayahang kontrolin ang takbo ng laro sa mahahalagang sandali.


Bukod kay Messi, sinabi rin ni Ellana na dapat ding bantayan ng Spain sina Julián Álvarez, Alexis Mac Allister at goalkeeper Emiliano Martínez, na aniya’y may malaking ambag sa opensa at depensa ng Argentina.

Sa usapin naman ng depensa, sinabi ng sports analyst na mas organisado ang defensive line ng Argentina, subalit maaari itong mahirapan kapag naipakita ng Spain ang mabilis nitong kombinasyon ng maiikling pasa at pag-atake mula sa gilid ng field.

Idinagdag pa nito na posibleng sa determinasyon, disiplina at tamang pagdedesisyon sa loob ng 90 minuto magkakatalo ang dalawang koponan sa inaabangang kampeonato.