--Ads--

Binigyang-diin ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang kahalagahan ng pangangalaga sa Sierra Madre Mountain Range bilang pangunahing panangga ng bansa laban sa matitinding pagbaha at epekto ng mga bagyo.

Muling nagpulong ang technical working group ng Kamara de Representantes upang talakayin ang House Bill No. 3538 na naglalayong lumikha ng Sierra Madre Mountain Range Authority o SMMRA.

Sa ilalim ng panukala, bubuo ng isang 25-year master plan na gagamit ng siyentipikong pamamaraan para sa konserbasyon, rehabilitasyon at pangangalaga sa Sierra Madre, na itinuturing na pinakamahabang kabundukan sa Pilipinas.

Ayon kay Speaker Dy, mahalagang maprotektahan ang Sierra Madre dahil nagsisilbi itong natural na depensa laban sa matitinding pagbaha at iba pang epekto ng extreme weather, lalo na sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

--Ads--

Aniya, hindi sapat ang pagtatayo lamang ng mga imprastraktura at flood control projects upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad.

Binigyang-diin niya na dapat ding pangalagaan ang mga kagubatan, watershed at iba pang natural ecosystem na tumutulong sa pagsipsip ng tubig-ulan at pagpigil sa pagbaha.

Dagdag pa ni Dy, mahalaga ring mabigyan ng sapat na kabuhayan ang mga komunidad na naninirahan sa paligid ng Sierra Madre upang maging katuwang ang mga ito sa pangangalaga at proteksyon ng kabundukan.

Samantala, kabilang na sa mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC ang paglikha ng Sierra Madre Mountain Range Authority.

Ayon kay Speaker Dy, ang mga nagdaang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay malinaw na paalala na hindi maaaring paghiwalayin ang kaligtasan ng mga komunidad sa pangangalaga sa kalikasan dahil ang mga kagubatan at watershed ang nagsisilbing unang depensa laban sa lumalalang epekto ng matitinding kalamidad at pagbabago ng klima.