Pinatawan ng Bureau of Customs (BOC) ng warrant of seizure and detention ang ₱48-milyong sports car na nakarehistro sa aktor na si Derek Ramsay matapos lumitaw ang malaking diperensiya sa idineklarang halaga at binayarang buwis nito.
Ayon sa BOC, pumasok sa bansa noong 2021 ang sasakyan bilang isang Porsche 918 Spyder ngunit Porsche Boxster umano ang idineklarang modelo sa mga dokumento.
Tinatayang nasa ₱48.02 milyon ang halaga ng sasakyan, ngunit ₱3.26 milyon lamang umano ang idineklarang halaga sa Customs.
Nasa ₱1.8 milyon lamang umano ang nabayarang buwis, gayong dapat itong umabot sa tinatayang ₱32 milyon.
Ayon kay BOC-Office of the Commissioner Deputy Chief of Staff Chris Noel Bendijo, inilabas ni Manila International Container Port Collector Felipe Geoffrey De Vera IV ang warrant.
Personal umano itong ihahatid kay Ramsay, na bibigyan ng 15 araw upang magsumite ng mga dokumentong magpapatunay na walang iregularidad sa binayarang duties at taxes ng sasakyan.
Kapag hindi nakapagsumite ng sapat na dokumento, maaari umanong maglabas ang BOC ng forfeiture order.
Kapag naging pinal ang naturang order, maaari umanong i-auction ang sasakyan at mapupunta sa pamahalaan ang malilikom mula rito.
Samantala, iimbestigahan din ng BOC ang mga tauhan nitong nagproseso ng entry documents ng sports car upang matukoy kung mayroon silang pananagutan.










