--Ads--

Nilinaw ng aktor na si Derek Ramsay na wala siyang minamanehong sasakyan na may pekeng plaka kasunod ng isinagawang imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) sa isang supercar na natuklasang gumagamit umano ng iligal na plate number.

Sa kanyang Instagram Story, sinabi ni Ramsay na lahat ng kanyang mga sasakyan ay may wastong plaka at rehistro. Hinikayat din niya ang publiko na basahin nang mabuti ang inilabas na pahayag ng LTO upang maunawaan ang buong detalye ng isyu.

Ayon pa sa aktor, wala pa siyang natatanggap na show-cause order mula sa ahensya, ngunit nakahanda siyang makipagtulungan at humarap sa mga awtoridad kung kinakailangan.

Humingi rin siya ng paumanhin sa LTO kaugnay ng nangyaring kontrobersiya at iginiit na mali ang paggamit ng pekeng plaka at hindi ito dapat palampasin.

--Ads--

Batay sa paunang imbestigasyon ng LTO, naibenta na umano ni Ramsay ang naturang sasakyan sa isang negosyante. Gayunman, hindi pa naipapasa sa pangalan ng bumili ang rehistro ng sasakyan kaya nananatiling nakatala sa rekord ng ahensya ang pangalan ng aktor bilang rehistradong may-ari.

Dahil dito, kabilang si Ramsay sa mga indibidwal na pinadadalo ng LTO sa pagdinig sa Agosto 24 upang magpaliwanag kaugnay ng kaso.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng ahensya upang matukoy ang buong detalye at pananagutan sa paggamit ng umano’y pekeng plaka.