--Ads--

Kinilala ng Sangguniang Panlungsod ng Santiago City ang Sta. Rosa Elementary School matapos nitong makamit ang isang prestihiyosong pambansang parangal sa larangan ng pangangalaga sa kalikasan at pagsusulong ng napapanatiling kaunlaran.

‎Sa ginanap na Grand Awarding Ceremony nitong Abril 22, 2026, itinanghal ang paaralan bilang kampeon sa Luntiang Puso Sustainability Award – Elementary Category at kabilang sa Top 5 Most Sustainable and Eco-Friendly Schools sa buong bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay School Head Mark Vincent L. Fernandez, ang natamong pagkilala ay bunga ng matagal nang dedikasyon ng paaralan sa pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan at ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor ng komunidad.

Aniya, magsisilbing inspirasyon ang natamong karangalan upang higit pang paigtingin ng paaralan ang mga programang pangkalikasan at iba pang proyekto na magbibigay ng positibong epekto hindi lamang sa mga mag-aaral kundi maging sa buong pamayanan.
‎‎
‎Ang pagkilala ay bahagi ng 2025 National Search for Sustainable and Eco-Friendly Schools ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Environmental Management Bureau (EMB).

‎Bukod sa Sta. Rosa Elementary School, kabilang din sa mga kinilalang National Winners ang Santiago North Central School at Bannawag Norte Integrated School, habang runner-up naman ang Sinsayon Elementary School.

‎Tatlo sa mga paaralang pinarangalan sa pambansang antas ay mula sa Schools Division Office ng Santiago City.