Arestado ang isang hinihinalang street-level individual (SLI) matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Patul, Santiago City.
Ang suspek ay 48-anyos na lalaki at residente ng naturang barangay.
Nadakip ito sa operasyon na pinangunahan ng Police Station 4 katuwang ang City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Quirino Provincial Office ng Region 2.
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 0.7 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P4,760.
Narekober din ng mga operatiba ang P3,500 buy-bust money na ginamit sa isinagawang transaksyon.
Ayon sa mga awtoridad, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at sa patuloy na pagsugpo sa mga street-level drug personalities sa lungsod.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











