Ipinakilala ng mga student-entrepreneurs mula sa Cauayan City ang kanilang produktong habi at iba pang likhang-kamay na sumasalamin sa mayamang kultura ng lungsod sa ginanap na Best Laku in the Metro 2026 sa Metro Manila.
Tampok sa trade fair ang BIHIS (Weaving Textile Services), isang negosyong pinangungunahan ng mga mag-aaral na naglalayong itampok ang kanilang kakayahan sa paghahabi ng mga tradisyunal na tela at paggawa ng iba’t ibang produktong kumakatawan sa lokal na kultura at produkto ng Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Regine Manzanillo, Program Chairman ng Entrepreneurship Department sa Isabela State University (ISU), sinabi niyang layunin ng kanilang programa na hubugin ang mga mag-aaral upang maging mahuhusay na negosyante.
Dagdag pa niya, malaking oportunidad para sa mga student-entrepreneurs ang makalahok sa ganitong uri ng trade fair dahil naipakikita nila ang kanilang mga produkto at kakayahan sa mas malawak na merkado.
Ibinahagi rin ng mga student-entrepreneurs ng BIHIS Textile Services na sina Joemer Gaoat, Jonalyn Macasling, Laymar Francisco, Mario Rubina, at Juliet Ann Tumaliuan ang kanilang mga karanasan at naging paglalakbay sa paglahok sa Best Laku in the Metro 2026.
Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataang negosyante na maipakilala ang kanilang mga produkto, magkaroon ng karanasan sa aktuwal na negosyo, at maipakita ang potensyal ng mga lokal na produktong gawa sa Cauayan City.
Ang Best Laku in the Metro 2026 ay isang regional trade fair na inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela Provincial Office, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.
Layunin nitong ipakilala sa mas malawak na merkado ang mga produkto ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan.







