--Ads--

Tampok ang mga produktong kahoy at handicrafts sa isinasagawang trade fair ng Balamban Festival 2026 sa Santiago City, kung saan agad na nakabenta ang ilang mga vendor sa mismong pagbubukas pa lamang ng aktibidad.

Kabilang sa mga ipinagbibiling produkto ang mga souvenir items, token, at iba’t ibang uri ng furniture gaya ng kama at iba pang kagamitan. Nasa halagang humigit-kumulang P100 ang ilang maliliit na items, habang ang dining set ay umaabot sa P15,000 hanggang P25,000 at coffee set naman sa P5,000 hanggang P8,000.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Javerin Bantiyao, isang vendor mula Jones, Isabela, sinabi niya na matagal na silang sumasali sa mga trade fair mula pa noong 2015 at patuloy na nakikilahok sa mga okasyon tulad ng piyesta sa Santiago City.

Ayon sa kanya, maganda ang naging takbo ng bentahan sa unang araw pa lamang ng pagbubukas ng trade fair.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang kanilang mga produkto ay gawa sa gimelina, mahogany, at iba pang uri ng kahoy, pati na rin sa dahon ng pine tree, na nagbibigay ng natatanging disenyo at kalidad sa kanilang mga likha.

Patuloy umano ang kanilang paglahok sa mga ganitong aktibidad dahil sa magandang oportunidad na naibibigay nito para sa kanilang kabuhayan.