--Ads--

Inalis ng Senate impeachment court ang pagbabawal sa mga pampublikong pahayag hinggil sa tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na binawi ng prosekusyon, kaya maaari nang sagutin at ipaliwanag ng bise presidente ang mga alegasyong nakapaloob dito.

Ayon sa desisyong binasa ni Senate President Francis Escudero, layunin ng pag-alis sa Rule 18 o sub judice rule na bigyang-daan ang mga partido, partikular si Duterte, na magsalita at ipagtanggol ang sarili laban sa mga alegasyong hindi na lilitisin ng impeachment court.

Kabilang sa binawi ng prosekusyon ang Article 1 na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, Article 3 hinggil sa bribery, at Article 4 na tumatalakay sa umano’y assassination plot, grave threats at inciting to sedition.

Gayunman, nilinaw ni Escudero na hindi nangangahulugan ang pag-alis sa naturang pagbabawal na maaari nang basta-basta ilabas sa publiko ang mga ebidensyang isinumite kaugnay ng mga binawing articles, lalo na kung saklaw ang mga ito ng mga umiiral na kautusan sa pagiging kumpidensiyal at iba pang legal na proteksiyon.

--Ads--

Samantala, mananatili ang sub judice rule sa Article 2 na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth ni Duterte, kabilang ang alegasyon ng hindi pagdedeklara ng mga ari-arian at hindi pag-divest ng mga interes sa negosyo.

Pinayagan din ng impeachment court ang depensa na magharap lamang ng ebidensya kaugnay ng Article 2, ang natitirang article na nakabinbin sa paglilitis.