--Ads--

Naniniwala ang isang law professor na mas mainam kung huwag nang bumuo ng Blue Ribbon Subcommittee ang Senado kaugnay ng imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, sinabi niyang kinakailangan pang pagdebatehan at aprubahan ng plenaryo ang pagbuo ng subcommittee, kaya posibleng sayangin lamang nito ang oras na maaari sanang ilaan na agad sa imbestigasyon.

Ayon sa kanya, kung mabuo man ang subcommittee, dito ide-delegate ang ilang bahagi ng trabaho ng pangunahing komite. Gayunman, ang kanilang magiging output ay kailangan pang aprubahan ng main committee bago ito maging pinal at dalhin sa plenaryo para sa pagtalakay.

Dagdag pa niya, kung magpapatuloy ang Senado sa pagbuo ng subcommittee, nararapat na ang mga miyembro nito ay magmula sa main committee at may kinatawan mula sa minority at majority blocs.

--Ads--

Bagama’t makakatulong umano ang ganitong setup sa pag-delegate ng trabaho, mas mainam pa rin umano na ang Blue Ribbon Committee na lamang ang direktang tututok sa usapin ng flood control upang hindi na humaba pa ang proseso.