--Ads--

Pinagdududahan ng Office of the Ombudsman ang pag-alis ni Senador Loren Legarda ng bansa at ang patuloy nitong pananatili sa ibang lugar, kasunod ng ilang ulit na pagpapalawig sa kanyang medical leave.

Sa pahayag ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano, hindi umano maiiwasan ng Ombudsman ang magkaroon ng mga katanungan at spekulasyon hinggil sa pagbiyahe ng senadora.

Ayon kay Clavano, kung mayroon talagang seryosong karamdaman si Legarda, dapat sana ay isang beses lamang itong humiling ng medical leave at hindi na paulit-ulit na nag-a-apply para sa extension.

Sinabi ng opisyal na isa ito sa mga dahilan kung bakit binibigyan nila ng pansin ang naging hakbang ng senadora, lalo na’t kasabay nito ay wala rin umano sa bansa ang anak nitong si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.

--Ads--

Nahaharap sa reklamo sa Ombudsman ang mag-inang Legarda at Leviste kaugnay sa umano’y plunder, graft at conflict of interest.

Iniuugnay ang reklamo sa Solar Philippines, isang kumpanyang konektado kay Leviste, na umano’y hindi tumupad sa ilang obligasyon kaugnay sa solar energy.

Ayon kay Clavano, mahalagang mabigyan ng linaw ang mga alegasyon dahil may epekto umano ang mga ito sa publiko, lalo na sa usapin ng presyo ng kuryente.

Dahil dito, hinimok ng Ombudsman ang mag-inang mambabatas na harapin at sagutin ang mga katanungan kaugnay sa reklamo.

Hiniling din ni Clavano na manatili muna sa bansa ang mga sangkot at iwasang bumiyahe palabas ng Pilipinas habang nagpapatuloy ang proseso kaugnay sa naturang usapin.