Nanganganib ang livestock sector ng Pilipinas sa matinding epekto ng Super El Niño, na maaaring magdulot ng malaking pagkalugi sa produksyon ng karne, gatas at itlog.
Ayon sa ulat, ang Super El Niño ay maaaring direktang makaaapekto sa mga alagang hayop tulad ng baboy, manok, pato, kambing, baka at kalabaw.
Bukod sa heat stress, kakulangan sa tubig at pakain, maaari ring tumaas ang panganib ng sakit, pagbaba ng nutrisyon, at kawalang-katatagan sa kabuhayan ng mga magsasaka at livestock raisers.
Tinatayang aabot sa ₱7.6 bilyon hanggang ₱9.9 bilyon ang maaaring maging pagkalugi sa sektor ng livestock sa ilalim ng matinding kondisyon, habang posibleng umabot sa ₱159 bilyon hanggang ₱205 bilyon ang kabuuang epekto nito sa ekonomiya dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain, pagkawala ng trabaho, at pagdepende sa pag-angkat ng suplay.
Pinakamalaking epekto ang inaasahang mararanasan sa hog at poultry industries, habang maaapektuhan din ang produksyon ng gatas, karne ng baka, at maging ang rice production na umaasa sa mga kalabaw.
Samantala, inirekomenda ang pagpapalakas ng water infrastructure, feed security, disease management, at climate-resilient programs upang mabawasan ang epekto ng matinding klima sa sektor ng agrikultura.











