Patuloy na minomonitor ng PAGASA ang mga sama ng panahong nasa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR.
Sa kasalukuyan, nananatili sa loob ng PAR si Super Typhoon Francisco.
Ayon sa pinakahuling tala, namataan ang sentro nito sa layong 410 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 230 kilometro kada oras habang kumikilos pa-kanluran hanggang hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Batay sa forecast track ng PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang mabagal na pagkilos ni Francisco hanggang bukas ng umaga habang tinatahak ang north-northwestward na direksyon. Matapos nito ay inaasahang magre-recurve o lilihis ang galaw nito patungo sa southern Japan o bahagi ng Ryukyu Islands.
Posible pang mapanatili o bahagyang lumakas ang bagyo hanggang ngayong hapon bago magsimula ang unti-unting paghina. Inaasahan ding maaari itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility pagsapit ng Biyernes.
Bagama’t nananatiling malayo sa kalupaan ng bansa ang bagyong Francisco, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa Batanes at ilang bahagi ng hilagang Cagayan kabilang ang silangang bahagi ng Babuyan Islands dahil sa epekto ng malalakas na bugso ng hangin at pinalalakas nitong southwest monsoon o habagat.
Samantala, patuloy ding minomonitor ng PAGASA ang isa pang sama ng panahon na nasa labas pa ng PAR at nananatiling nasa tropical depression category.
Namataan ito sa layong 2,680 kilometro silangan ng southeastern Luzon. May lakas itong hangin na 55 kilometro kada oras at bugso na hanggang 70 kilometro kada oras habang kumikilos pa-kanluran hanggang hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Sa ngayon, hindi inaalis ang posibilidad na makapasok ito sa loob ng PAR, ngunit base sa pinakahuling pagsusuri ng PAGASA, hindi pa nakikitang magkakaroon ito ng direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.











