Patuloy na nagbabago ang presyo ng langis sa Japan bunsod ng kakulangan sa suplay at tensyon sa Middle East.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Hannah Galvez, sinabi niyang umaabot sa 174 yen kada litro ang presyo ng langis, ngunit sumirit ito hanggang 212 yen dahil sa limitadong suplay at pagdepende ng bansa sa inaangkat na langis mula sa Middle East, partikular sa Iran. Naging apektado ang daloy ng suplay dahil sa sitwasyon sa Strait of Hormuz kung saan nahirapan ang pagdaan ng mga oil tanker.
Upang matugunan ito, sinabi ni Galvez na maglalabas ng humigit-kumulang 400 milyong bariles ng langis ang mga pribado at pampublikong kumpanya sa Japan.
Dagdag pa rito, sasagutin ng gobyerno ang diperensya sa presyo sa pamamagitan ng subsidiya upang hindi maramdaman ng publiko ang bigat ng pagtaas.
Sa pinakahuling ulat, bumaba na sa 156 yen kada litro ang presyo ng langis matapos magsimulang maglabas ng reserbang suplay ang pamahalaan simula Abril 1, na nagdulot ng positibong epekto hindi lamang sa langis kundi pati na rin sa presyo ng iba pang bilihin.
Samantala, nakaapekto rin sa ekonomiya ng Japan ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, lalo na sa suplay ng trigo at iba pang pagkain, habang naging hamon din ang kakulangan sa tubig na nakaapekto sa produksyon ng bigas kaya’t napilitan ang bansa na mag-angkat mula sa ibang bansa.
Gayunman, tiniyak ni Galvez na patuloy ang hakbang ng pamahalaan ng Japan upang matiyak ang sapat na suplay ng enerhiya, kabilang ang pagdating ng panibagong shipment ng krudo mula sa Middle East at ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa para sa alternatibong suplay ng langis at iba pang mahahalagang resources.











