--Ads--

Arestado na ang suspek sa pamamaril na ikinasawi ng dalawang magsasaka sa Barangay Gomez, Benito Soliven noong Abril 24, makaraang mabilis na matunton ng pulisya sa isinagawang hot pursuit operation at nasampahan ng kasong double murder makalipas lamang ang dalawang araw.

Kinilala ang mga nasawi bilang sina alias “Niko,” 64-anyos, may asawa, at alias “Mario,” 35-anyos, binata. Kapwa sila magsasaka at residente ng Purok 1 ng nasabing barangay. Ang suspek naman ay kinilalang si alias “Ruben,” 29-anyos, may asawa, magsasaka, at residente rin ng parehong lugar.

Batay sa imbestigasyon ng Benito Soliven Municipal Police Station, nagpapahinga ang mga biktima sa gilid ng barangay road matapos magpatuyo ng kanilang ani ng mais nang dumating ang suspek sakay ng motorsiklo. Bigla na lamang umano nitong pinaputukan ang mga biktima nang sunod-sunod gamit ang caliber .45 na baril. Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang mga fired cartridge cases at live ammunition.

Nasaksihan ang krimen ni alias “Rap,” 22-anyos, anak ni “Niko” at kapatid ni “Mario.” Ayon sa kanyang salaysay, pauwi na siya upang kunin ang natitirang ani nang makita ang aktwal na pamamaril bago tumakas ang suspek patungo sa barangay proper.

--Ads--

Agad na rumesponde ang Local Area Response Team (LART) at isinugod ang mga biktima sa San Mariano Community Hospital, subalit idineklara silang dead-on-arrival dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa isinagawang hot pursuit operation, mabilis na natunton at naaresto ng mga pulis ang suspek sa kanyang tirahan sa parehong barangay.

Pormal nang naisampa sa Office of the Provincial Prosecutor ang kasong double murder laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings. Sa kasalukuyan, nananatili siya sa kustodiya ng Benito Soliven Municipal Police Station habang inihahanda ang pagsasampa ng Information sa hukuman.