--Ads--

Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos umano itong mahuling gumagamit at nag-iingat ng pinaniniwalaang marijuana sa Barangay Nungnungan Dos, Cauayan City, Isabela.

Samantala, pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang kasama nitong nakatakas matapos ang isinagawang operasyon noong Setyembre 22, 2026, dakong alas-nuwebe ng gabi sa kahabaan ng bypass road sa Purok 4 ng nasabing barangay.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na Jun, 25 anyos, walang trabaho at residente ng Barangay Antonino, Alicia, Isabela.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang kasama nitong si alyas Ron, residente ng Barangay Caloocan, Alicia, Isabela, na nakatakas at kasalukuyang at large.

--Ads--

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y nagaganap na pot session sa isang tago at liblib na bahagi ng bypass road.

Agad na nagresponde ang mga pulis, kasama ang informant, upang beripikahin ang naturang impormasyon.

Pagdating sa lugar, naabutan umano ng mga awtoridad ang dalawang suspek na aktong humihithit ng pinaniniwalaang marijuana gamit ang isang tooter.

Nang mapansin ang presensya ng mga pulis, mabilis umanong sumakay sa kanilang motorsiklo ang dalawang suspek at nagtangkang tumakas, na nagresulta sa isang habulan.

Naaresto si alyas Jun, habang nakatakas naman si alyas Ron matapos umanong tumakbo patungo sa kalapit na bukid.

Narekober sa operasyon ang anim na medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang tuyong dahon ng marijuana, isang nakalukot na puting papel na naglalaman din umano ng marijuana, dalawang glass tube tooter, isang itim na Suzuki Raider, isang transparent plastic bag at isang bakanteng kaha ng sigarilyo.

Nahaharap ngayon si alyas Jun sa mga kasong paglabag sa Sections 11, 12 at 15 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng illegal possession of dangerous drugs, possession of drug paraphernalia at paggamit ng dangerous drugs.

Patuloy naman ang manhunt operation ng mga awtoridad para sa ikadarakip ng nakatakas na si alyas Ron.