Posibleng muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo sakaling magpatuloy ang kasalukuyang trend sa pandaigdigang merkado.
Batay sa unang tatlong araw ng trading sa Mean of Platts Singapore o MOPS, inaasahang madadagdagan ng ₱2.30 kada litro ang diesel, ₱1.40 ang gasolina at ₱1.50 ang kerosene.
Iniuugnay ang posibleng pagtaas sa patuloy na tensyon at kawalan ng katiyakan sa Middle East na nakaaapekto sa suplay at presyo ng langis sa mundo.
Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, nananatiling pangunahing salik sa mataas na presyo ng petrolyo ang hindi pa naaayos na sitwasyon sa rehiyon.
Gayunman, maaari pang magbago ang inaasahang price adjustment bago ito tuluyang ipatupad ng mga oil company sa susunod na linggo.











