Nabigo ang tambalan ng Pinay tennis star na si Alex Eala at American tennis legend na si Venus Williams matapos silang yumuko sa pares nina Liudmila Samsonova ng Russia at Miyu Kato ng Japan sa unang round ng National Bank Open women’s doubles nitong Biyernes ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Toronto, Canada.
Sa laban na ginanap sa Sobeys Stadium Centre Court, nanaig sina Samsonova at Kato sa iskor na 6-4, 6-3 upang tuluyang wakasan ang kampanya nina Eala at Williams sa torneo.
Hindi napigilan ng 21-anyos na si Eala at 46-anyos na si Williams ang matitinding atake ng kanilang mga katunggali na sina Samsonova, 27-anyos, at Kato, 31-anyos, na nagpakita ng mahusay na koordinasyon sa buong laban.
Matatandaang unang nagsama bilang doubles partners sina Eala at Williams sa 2026 Bad Homburg Open noong Hunyo kung saan agad silang nagpakitang-gilas matapos talunin ang tambalang sina Catherine Harrison at Alexandra Osborne sa Round of 16 sa iskor na 6-3, 6-4.
Samantala, patuloy ang mainit na suporta ng mga Pilipino sa bawat laban ni Alex Eala, kabilang na ang kanyang paglahok sa doubles event ng National Bank Open kung saan nakapareha niya ang American tennis legend na si Venus Williams.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Regidor Don Tumolva, napakaraming Pilipino ang personal na nanonood at sumusuporta kay Eala sa kanyang mga laban sa Canada.
Ayon kay Tumolva, malaking bentahe para kay Eala ang matinding suporta ng kanyang mga kababayan dahil nakatutulong ito upang tumaas ang kanyang kumpiyansa at mas mapaganda ang kanyang laro sa loob ng court.
Gayunman, sinabi niya na may ilang pagkakataon na napapansin ng ibang manonood na nasosobrahan ang pag-cheer ng ilang Filipino fans, bagay na maaari ring makaapekto sa konsentrasyon ng ibang manlalaro.
Aniya, ilang oras pa lamang matapos buksan ang ticket sales para sa mga laban ni Eala ay agad nang nauubos ang mga tiket dahil sa dami ng mga nais manood, kabilang na ang mga nagmumula pa sa iba’t ibang bahagi ng Canada.
Ibinahagi rin niya na sa ilan sa mga naunang laban ni Eala, hindi nakatakdang idaos ang mga ito sa center court. Gayunman, dahil sa mataas na interes ng mga manonood, inilipat ang mga laban sa mas malaking venue upang ma-accommodate ang mas maraming fans.
Dahil sa dami ng mga Pilipinong dumadalo sa torneo, kapansin-pansin din ang pag-aalok ng ilang food establishments sa loob ng venue ng mga pagkaing Pilipino tulad ng adobo.
Ayon kay Tumolva, bilang isang Pilipino ay nakaka-proud makita ang patuloy na pag-angat ng karera ni Eala sa larong tennis. Umaasa rin siya na magsisilbing inspirasyon ang tagumpay ng batang atleta sa mga kabataang Pilipino upang magsikap at abutin ang kanilang mga pangarap.










