--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang tatlong tao matapos araruhin ng pick up ang dalawang motorsiklo sa pambansng lansangan na nasasakupan ng Minante 1, Cauayan City.

Ang mga nasawi ay ang tsuper ng Honda Click 125 na si Aurelio Cacot at angkas nito na si Richard Cacot at ang tsuper ng Honda TMX na si Eddie Martin na pawang mga residente ng Marasat Pequeño, San Mateo, Isabela.

Ang tsuper naman ng pick up ay si Kim Cacayan, 24-anyos na residente ng Imelda Bliss Village, City of Ilagan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, binabagtas ng dalawang motorsiklo ang pambansang lansangan na nasasakupan ng Minante 1, Cauayan City patungong hilagang direksyon habang patungo naman sa Santiago City ang pick up.

--Ads--

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay inayos umano ng driver ng pick up ang kanyang seatbelt at hindi nito namalayan na napunta na siya sa kabilang linya dahilan upang mabangga nito ang magkasunod na motorsiklo.

Nagtamo ng malubhang sugat ang tatlong lulan ng dalawang motorsiklo na isinugod sa pagamutan ngunit idineklara silang dead on arrival ng kanilang attending physician.

Maswerte namang hindi nasaktan ang tsuper ng pick up at ang sakay nito.

Human error ang tinitingnang sanhi ng insidente.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong Multiple Homicide and damage to property.