CAUAYAN CITY – Isang road rage ang naganap sa National Highway, Barangay Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya kagabi na kinasangkutan ng dalawang sasakyan.
Kinilala ang isang sangkot na tsuper ng HiAce van na si Erwin Masi Pielago, apatnaput apat na taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Pugaru, Angadanan, Isabela at ang tsuper ng Honda SUV na si Maverick Louis Galang, tatlumput limang taong gulang, may asawa, isang nurse at residente ng Barangay Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, Chief of Police ng Solano Police Station sinabi niya na nagkagitgitan sa daan ang dalawang sasakyan sanhi upang bumaba ang dalawang tsuper at nagkaroon ng sagutan at nagdulot ng panununtok ni Pielago kay Galang.
Dito na nagsimula ang suntukan ng dalawa hanggang sila ay maawat at nagkasundong magtungo sa Bayombong Police Station para sa maayos na pag-uusap.
Habang patungo sa himpilan ng pulisya ay dumeretso ang tsuper ng van at nagtangkang tumakas na agad namang hinabol ng SUV na minamaneho ni Galang hanggang sa maabutan nito at binangga ang likurang bahagi ng van.
Nagpatuloy ang habulan hanggang sa maharang na ng ibang mga motorista sa checkpoint ng PNP sa bahagi ng Brgy. Bascaran, Solano Nueva Vizcaya ang van.
Nang mapatigil na ang van ay binugbog ang tsuper ng van na si Pielago at ang pahinante nito na si Rodrigo Que Jr. na nagtamo ng mga injuries sa kanilang katawan.
Agad namang naawat ng mga rumespondeng pulis ang mga nambugbog at dinala sa himpilan ng pulisya.
Sa ngayon ay nagsampa na ng patung-patong na kasong malicious mischief, frustrated murder, reckless imprudence resulting in damage to property at grave threat ang tsuper ng HiAce van laban sa tsuper ng SUV habang ang tsuper naman ng SUV ay nagsampa ng physical injury laban sa tsuper ng van dahil sa panununtok nito sa kanya.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga motorista na huwag pairalin ang init ng ulo kapag nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kalsada upang makaiwas sa ganitong pangyayari.











