--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang anim na katao matapos ang karambola ng apat na sasakyan sa Brgy. Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang tsuper ng Toyota HiAce van na si Aldwin Seth Halino Bucasas, dalawamput anim na taong gulang, binata, walang trabaho at residente ng Brgy. Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang tsuper naman ng nabangga nitong tricycle ay si Rodolfo Rafal Jr., nasa wastong gulang at residente ng Brgy. Bintawan, Villaverde, Nueva Vizcaya

Nadamay pa ang isa pang tricycle na minaneho ni Cyrus Matias Vinluan , nasa wastong gulang, tsuper at residente ng Brgy. Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.

--Ads--

Nadamay din sa karambola ang Toyota Avanza na minaneho ni Anthony Pagada, nasa wastong gulang, isang pulis at residente ng Quezon, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Ar-Jay Nabban, Deputy Chief of Police ng Bayombong Police Station, sinabi niya na batay sa kanilang pagsisiyasat at sa kuha ng CCTV Camera sa lugar, binabagtas ng van na minamaneho ni Bucasas ang Maharlika Highway patungong Solano, Nueva Vizcaya at sinusundan ang tricycle ni Rafal nang bigla nitong mabangga sa likurang bahagi ng tricycle.

Nagdulot ito upang mawalan ng kontrol ang tsuper at bumangga sa sinusundan nitong nitong tricycle na minaneho ni Vinluan habang ang HiAce van ang napunta sa kabilang linya na naging dahilan ng pagkabangga sa kasalubong na Toyota Avanza na minaneho ni Pagada.

Dahil sa lakas ng pagkabangga sa unang tricycle ay nasugatan ang tsuper at apat nitong pasahero maging ang tsuper ng isa pang tricycle na agad dinala sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer para malapatan ng lunas.

Ayon sa pulisya, ang nasabing karambola ay dahil sa human error at maaring maharap ang tsuper ng HiAce Van sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries and Damage to Properties.

Sa ngayon ay hinihintay pa naman ng pulisya ang mga kapamilya ng mga biktima kung sila ay magsasampa ng kaso laban sa tsuper.

Pinaalalahanan naman ni PCpt. Nabban ang mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho at huwag nang magpatakbo ng mabilis upang makaiwas sa aksidente.