Tatlong mapalad na entry senders mula sa Bombo Radyo Cauayan ang nagwagi bilang guaranteed prize winners sa Grand Draw ng “Swerte sa Palengke 2026.”
Nagwagi ng first prize na ₱25,000 si Virginia P. Logares ng Purok 2, Sillawit, Cauayan City na gumamit ng proof of purchase na Red Horse Beer.
Inihayag ni Ginang Virginia Logares na pagpatak ng alas-3 ng hapon ay nakaantabay na siya sa radyo at siya mismo ang nakarinig sa pag-anunsyo ng kaniyang pangalan.
Sa tagal aniya ng pagsali sa lahat ng pa-promo ng Bombo Radyo Philippines, ito ang unang pagkakataon na siya ay nabunot. Ang tanging hangarin niya ay manalo kahit consolation prize lamang.
Ang napanalunang halaga ay ilalaan niya panggastos sa araw-araw nilang pangangailangan sa bahay, partikular ang pambili ng bigas.
Napanalunan naman ni Ronnel A. Lucas ng Baui, Angadanan, Isabela ang second prize na ₱15,000 gamit ang Gardenia.
Ayon kay Ginoong Lucas, tuwang-tuwa siya nang ipaalam sa kaniya na isa siya sa mapapalad na nanalo sa pa-promo ng Bombo Radyo Philippines.
Ang kaniyang proof of purchase na Gardenia ay hinihingi niya mula sa kanilang mga kaanak tuwing sila ay bibili ng tinapay.
Labinlimang taong gulang pa lamang siya nang masaksihan ang pagsali ng kaniyang ina sa mga promo ng Bombo Radyo, subalit hindi pinapalad. Nito lamang nakaraang taon niya sinubukan ang kaniyang kapalaran.
Plano niyang itabi muna ang premyong napanalunan at kung may pagkakataon ay muling sasali sa pa-promo ng Bombo Radyo.
Sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Bonifacia L. Laurente ng Purok 4, San Isidro, Santiago City, na nanalo ng third prize na ₱10,000 gamit ang Efficascent Oil, sinabi niya na ito ang unang pagkakataon niyang manalo gayong matagal na siyang sumasali sa mga pa-promo ng Bombo Radyo Philippines.
Sa katunayan aniya, ipinanalangin niya ang pagkapanalo kaya labis ang kaniyang kasiyahan.
Samantala, para sa grand prize winner na ₱1,000,000, nanalo bilang ika-83rd Bombo Milyonaryo ang entry sender mula Star FM Manila na si Albert Bautista na gumamit ng proof of purchase na Puregold.
Ang “Swerte sa Palengke 2026” ay isa na namang handog-pasasalamat ng Bombo Radyo Philippines at Star FM, katuwang ang Gardenia, Efficascent Oil, Bioderm Germicidal Bath Soap, Sarsaya Oyster Sauce, Holiday Sunpride, Orocan, Omega Pain Killer, Puregold, Red Horse Beer, Red Horse Super, at Syngenta.





