Nanawagan ang Teachers Dignity Coalition sa pamahalaan at mga mamamayan na maging maingat at hindi pabara-bara sa mga pahayag kaugnay ng nangyaring school shooting sa Zamboanga City.
Ito ay kasunod ng kontrobersyal na pahayag ni PCO Undersecretary Claire Castro tungkol sa mahalagang papel ng mga guro bilang tagapangalaga at mentor sa paghubog ng moralidad at pagkatao ng mga kabataan.
Naging sentro ito ng usapin matapos na batikusin ng ibat-ibang sektor ang kanyang naging opinyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Benjo Basas, Chairman ng Teachers Dignity Coalition, sinabi niyang napakasensitibo ng naturang usapin lalo na’t nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at hindi pa malinaw ang mga salik na nagtulak sa estudyante upang gawin ang pamamaril.
Aniya, mas mahalagang pagtuunan ngayon ng pansin ang mas malalaking usapin, kabilang ang mga nangyayari sa mga paaralan, sa mga kabataan at sa komunidad.
Binigyang-diin din ni Basas ang pangangailangan para sa sapat na training ng mga guro at school personnel upang makaresponde sa mga emergency gaya ng school shooting.
Mahalaga rin umanong matulungan ang mga guro na makita ang mga senyales ng matinding emotional distress, agresibong pag-uugali at posibleng violent behavior ng mga estudyante, gayundin kung saan maaaring i-refer ang mga kabataang nangangailangan ng propesyonal na tulong.
Ayon kay Basas, sa halip na agad magturo ng sisi, dapat munang alamin ang buong konteksto ng insidente upang matukoy ang mga ugat ng problema at makapaglatag ng mga hakbang para maiwasang maulit ang katulad na insidente.











