--Ads--

Isasagawa ngayong araw ang LTO Caravan sa Forlane Plaza, Barangay Malvar, Santiago City, kung saan inaasahang dadagsain ng mga motorista at aplikante ng driver’s license ang iba’t ibang serbisyong ihahandog ng Land Transportation Office (LTO).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni LTO Santiago City OIC Dennis Buendia tinatayang 200 slots ang inilaan para sa libreng Theoretical Driving Course (TDC), na isa sa mga pangunahing requirement sa pagkuha ng Student Permit.

Isasagawa rin ang mobile licensing at registration services, kung saan maaaring magpa-renew ng driver’s license at vehicle registration ang mga motorista.

Magkakaroon din ng pamamahagi ng motorcycle plates para sa mga sasakyang mula 2017 pababa na wala pang plaka. Kailangan lamang dalhin ng mga may-ari ang kanilang Certificate of Registration (CR) at Official Receipt (OR) upang ma-claim ang kanilang plaka.

--Ads--

Ayon kay Buendia, magsisimula ang caravan alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa Forlane Plaza, Barangay Malvar, Santiago City. Maaari rin itong i-extend depende sa dami ng mga magpapaserbisyo.

Bukas ang programa hindi lamang para sa mga residente ng Santiago City kundi maging sa mga motorista mula sa mga karatig-bayan, lalo na sa mga hindi makapunta sa tanggapan ng LTO tuwing weekdays dahil sa kanilang trabaho.

Dagdag pa ni Buendia, bagama’t ang 200 slots ay inilaan lamang para sa libreng TDC, wala namang itinakdang limitasyon sa mga nais mag-avail ng iba pang serbisyo ng LTO ngayong araw.

Samantala, dahil sa naging magandang pagtanggap sa caravan, plano rin ng LTO na magsagawa ng kaparehong programa sa mga bayan ng Ramon at Cordon sa mga darating na buwan ng Agosto at Setyembre.